Gusto kong hanapin

Huwebes, Marso 9, 2017

Sisidlan
Ni Alexa Mae G. Marchina

Bahagyang sumisilip ang araw buhat sa silangang bahagi ng pook.  Mararamdaman ang mainit na silahis nitong matamang tumatama sa balat.  Ang pagtatalo ng init at lamig na ibinibigay ng paligid ay nag-iiwan ng maaliwalas na pakiramdam kay Ka Polyo.  Panibagong umaga, hudyat ng panibagong pagsisimula para sa kanilang mag-asawa.  Mauulinigan ang huni ng mga ibon at pagtilaok ng manok sa paligid.  Makikitang abala ang lahat at nagsisimula nang sumingaw ang mga usok sa tungko ng bawat bahay.  Masasamyo ang nanunuot na aromang hatid ng   kapeng barako na dinadala ng simoy ng hangin.
Gayak na gayak na si Ka Polyo at isinasalansan na lamang niya ang mga naggagandahang makukulay at nagkikintabang ipit sa buhok sa loob ng kanyang sisidlan.  Kakaiba ang sisidlang ito ni Ka Polyo.  Mayroon itong tali na katulad ng isang bag na de-sakbit at kuwadradong sabitan ng kanyang mga paninda  na araw-araw niyang inilalako sa kabayanan. 
“Hane, ika’y kumain muna bago umalis.  Nakapaghayin na ako,”  tawag ni Ka Alma sa kanyang asawa.
“Oo, sige. Tatapusin ko lamang ang pagsasalansan nitong aking paninda.  Alam mo namang nakasalalay sa salansan ng mga pamuyod ang aking kikitain ngayong araw.”
Umuusok-usok pa ang kanin at kape nang nagtungo si Ka Polyo sa hapag.  Nakaririndi ang katahimikang namamayani sa pagitan ng bawat pagnguya at pagsubo.  Matapos kumain ay humayo na si Ka Polyo patungo sa bayan.  Tinatanglawan lamang siya ng asawa hanggang sa tuluyang maglaho sa paningin ang jeep na sinasakyan niya. 
Tamang-tama ang kanyang pagdating sa kabayanan sapagkat babago pa lamang kumakapal ang bilang ng mga taong paroo’t paritong naglalakad.  Nililibot niya ang syudad at magiliw na inaalok ang mga tirintas sa buhok na bitbit niya.  Matamang tinitingnan ang mukha ng bawat isa at kinikilatis ang bawat anggulong meron ito.  Nangingilala na tila ba may kung anong hinahanap.  Binabagtas niya ang bawat sulok ng lugar.  Wala siyang kinakaligtaang puntahan.         
   Hindi pa siya nakararating sa may tulay ay halos kalahati na lamang ang mga ipit sa kanyang sisidlan.  Maganda ang entrada niya sa araw na iyon.  Marahil papalapit na ang Pasko aniya sa sarili.  Mataas na ang araw at nararamdaman na ang alinsangang hatid ng paligid na nanunuot sa balat.  Nanlalagkit ang kanyang mga pawis na lumalabas mula sa pagal niyang katawan.  Dinukot niya ang botelya ng tubig sa gilid ng kaniyang sisidlan.  Itiningkayad sa bitak-bitak niyang labi at ninamnam ang lamig na ibinibigay nito.  Makikita sa bawat lagok ang pananabik at paggaan ng pakiramdam ni Ka Polyo.  Ang kaninang nanunuyong katawan ay bumalik sa dating sigla.  Ipinagpatuloy niya ang pagbagtas  patungong plaza sa ilalim ng mainit na sikat ng araw.
Nag-uumpisa nang numipis ang mga taong  kanina lamang ay hindi mahulugan ng karayom.  Bago pa man tuluyang maubos ang paninda, nagtabi na kaagad siya ng isang pares ng ipit.  Marahan niya itong isinilid sa isang bulsa ng kanyang butsaka.  Ang kaninang nagniningning na mata ay tila namanglaw.  Alam niya sa sarili kung bakit at tanging siya lamang ang nakaaalam.  Naubos lahat ng paninda ni Ka Polyo sa araw na iyon.  Sumakay na siya sa jeep pabalik ng Sitio Ismaron bago pa man tuluyang kumagat ang dilim.
Nadatnan niya si Ka Almang nakaupo sa hapag.  Sadyang iniintay ang kanyang pagbabalik.  Tahimik silang naghapunan ng gabing iyon.  Ganito sila palagi .  Binabalot ng nakaririnding katahimikan.  Hindi masasabing walang pag-ibig na nag-uugnay sa kanila sapagkat saksi ang buong sitio sa pamumukadkad ng dalawa bago pa man tuluyang itali ang sarili sa isa’t isa.  Ganoon lang talaga. 
“Gusto ko sanang ihinto mo na ang pagtungo sa kabayanan,” sambit ni Ka Alma sa isang maumanay subalit mauulinigan ang kalungkutan sa tono ng pananalita.
“Bakit naman?” pabalik na tanong ni Ka Polyo sa asawa.
“Alam mo kung bakit,” nag-uumpisa nang manggilid ang luha ni Ka Alma.  “Wala nang pag-asa,” namamaos na tila nahihirapang anas niya.  “Itigil na natin ito.”  Pagkasambit ay tuluyan nang nabasag ang mga luhang kanina pang nagbababdyang kumawala  mula sa kanyang mata.
Kung tutuusin, hindi na kailangan pang magtungo sa bayan si Ka Polyo upang kumita ng pera.  Malawak ang kanyang bukid sa pook at malusog ang lupang nabubungkal dito.  Sagana ito sa mineral na makatutugon sa sustansiyang kailangan ng mga halaman.  Sa katunayan, palagi itong nagbibigay ng masaganang ani na kinaiinggitan ng mga taga-Ismaron sa kanya .
Kinalma ni Ka Polyo ang asawang hinahabol ang sariling hininga dulot ng pag-iyak.  Umaalingawngaw sa kanyang tainga ang hikbi ng asawa.  Alam niya ang sakit na nararamdaman nito.  Pait at hapding tanging sila lamang mag-asawa ang nakaaalam.  Gustong-gusto niyang ipagsigawan sa kanilang baryo, sa kabayanan, sa buong lalawigan,  sa buong bansa,  subalit walang makaririnig.  Kung marinig man nila, hindi rin nila maiintindihan dahil wala silang alam. 
Bagaman sampung taon na ang nakalipas, sariwa pa rin sa kanyang gunita ang mga pangyayari ng araw na iyon.  Pangyayaring bumago sa buhay niya, buhay ng kanyang asawa at maging pagsasama nila bilang mag-asawa.  Ika-23 ng Disyembre noon, katiktikan ng pagahanda para sa darating na kapaskuhan.  Kaliwa’t kanan na rin ang mga parol at kumukutikutap na mga ilaw.  Maririnig ang masisiglang awiting pamasko at makikita ang mga batang gigil na gigil sa pagtatamborine na yari sa tansan.  Biglaan ang naging gayak nilang mag-anak ng araw na iyon.  Napagkasunduan nilang mamasyal sa kabayanan.  Nananabik ang bawat isa na masaksihan ang naggagandahang pailaw sa lugar na siyang palaging laman ng usapan.  Mga nagniningning na liwanag at umaandap-andap na christmas lights na inayos upang mabigyang kulay at hugis ang konsepto ng pailaw.  Tampok daw ang pinakamagagandang lugar na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.  Kitang-kita niya kung gaano kasaya si Alma lalong higit ang kanilang munting anghel.  Masasalamin sa mga nagniningning na mga mata ang kulay pula, berde, dilaw, asul at marami pang iba na ibinibigay ng liwanag.
Walang pagsidlan ang kagalakan sa kanyang puso ng araw na iyon.  Tila ba siya’y nililipad at tinatangay ng pagkamangha sa lugar na noon lang uli niya nasilayan. 
Hanggang sa nakarinig siya ng isang sigaw.  Narinig niya ang sigaw ni Angela.  Puno ng takot ang tinig ng munting bata.  Nananaghoy, humihingi ng tulong.   Luminga-linga siya sa paligid subalit wala siyang nakitang bakas ng anak.  Hindi niya alam ang gagawin.  Parang tumigil ang oras sa kanyang paligid.   Hindi niya mamalayan ang gagawin.  Natutulele ang kanyang mga tainga sa ingay na nagmumula sa makapal na bilang ng tao sa lugar.   “Ang anak ko…” Nanlalaglag ang luhang sambit ni Ka Polyo.  Makailang-ulit niyang inikot ang buong lugar upang magbakasakali.  Hindi niya ininda ang pawis na bumabasa sa kanyang kabuuan.  Subalit wala.  Hanggang sa unti-unting  numipis ang tao sa paligid at utay-utay nang nawawala ang mga makukulay na ilaw sa paligid tulad ng pagkawala ng kulay sa kanyang daigdig, sa buhay nilang mag-asawa. 
Nagbalik si Polyo sa kaniyang ulirat nang maramdamang nahimasmasan na ang asawa.
“Hindi ako susuko. Kailanman hindi ko magagawang susukuan ang anak natin,”  puno ng determinasyong saad ni Ka Polyo sa asawa.  Pinili niyang maging matatag at pinaniniwala ang sarili na kumapit sa isang bagay na ni saang hinagap ay hindi niya makalap ang posibilidad.
Bumalik sa dating gawi si Ka Polyo.  Isinalansan niya ang mga ipit sa kanyang sisidlan, iginayak ang sarili at kumain ng almusal kasama ang kanyang asawa.  Katulad ng dati, tinanglawan siya nito hanggang sa tuluyan nang maglaho sa paningin.
Isang araw, habang naglalakad si Ka Polyo patungo sa kanilang bahay, kataka-takang maraming nag-umpukang tao sa tapat ng kanilang tarangkahan.  Nakikiusyoso sa kung anong bagay na noon lang nasilayan.  Nagmadali siya sa kanyang paglalakad upang mabatid kung ano ang pinagkakaguluhan ng kanyang mga kapit-bahay.  Hindi pa man siya nakalalapit, nasamyo niya ang umaalingasaw na amoy mula sa bagay na tinatakluban ng itim na tela.  Hindi niya natagalan ang masangsang na amoy ng bangkay kaya agad siyang naghanap ng tuwalyang pantakip sa ilong.  Nakaakma na siyang humakbang upang lumayo sa lugar nang dumating ang patrol ng pulisya upang siyasatin ang natagpuang bangkay sa lugar.  Nanatili siya sa kanyang puwesto upang patayin ang nagtatagong tanong na tumatakbo sa kanyang isip.   Inalis ng isang pulis ang tabing sa babaeng bago pa lamang naaagnas.   Lumantad ang isang babaeng halos hindi na makilala dahil sa maraming pasa at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.  Gayon na lamang ang pagkapako ni Ka Polyo  sa kanyang kinatatayuan nang ganap itong masilayan.  Kilalang-kilala niya ang taong nakahimlay sa damuhan sa kabila ng marka ng karahasan sa kabuuan nito.  Hindi siya maaaring magkamali.  Marahang ikinuyom ni Ka Polyo ang kamao kasabay ng tahimik na pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. 
Mabilis na lumipas ang panahon subalit kailanman ang sugat sa puso at pagkatao ni Ka Polyo ay hindi maghihilom.  Tahimik niyang kinuha sa kanyang sisidlan ang joint na binili niya kay Joseph sa kanto papasok sa kanila.  Marahan niyang nilanghap ang halimuyak na nakapagbibigay sa kanya ng kaginhawaan at kapanatagan.  Nararamdaman na niya ang talab ng doobie sa kanyang diwa.  Maaari na niyang takasan ang lahat ng sakit at magtungo sa daigdig kung saan makakasama niya si Angela.

WAKAS




















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento